Showing posts with label byahe. Show all posts
Showing posts with label byahe. Show all posts

kwentong singkwenta sentimos

Monday, May 9, 2011

"TOLLGATE! TOLLGATE!" sabi nung mamang driver. "isa na lang aalis na!"

ayokong ma-late sa pupuntahan ko kaya sumakay na 'ko. tang'na, hindi pa ko nakakaupo pinaandar na kaagad yung dyip. syempre hawak naman ako sa handrail para hindi ako sumemplang.

lakad.. lakad.. lingon.. lingon.. huh?!

anak ng patuka, manong! wala na palang uupuan. syet naman..

"sa kanan, sa kanan. sampuan 'yan." sabi nung driver habang pasilip-silip sa salamin.

may katamarang umurong ang mga pasahero para paupuin ako. halatang napilitan lang. kahit na kapiranggot lang ang espasyo, pinilit kong maipasok ang hindi naman kalakihan kong wetpaks.

syet talaga. hirap maging paningit! pinagpawisan ako ng malagkit dahil sa init at sobrang sikip. nangatal ang mga tuhod ko habang pilit kong pinipigilan na tuluyang malaglag sa kinauupuan.

after ilang minuto..

"ma, kanto lang!" sabi nung lalaki sa likod sabay katok sa kisame ng dyip.

baba si kuya.. urong.. urong.. urong.. ayos! at tuluyan ko na ngang naipasok ang kanina pang namamawis kong wetpaks!

ang sarap ng pakiramdam ng nakaupo. kaya naman hindi nakapagtataka na yung mga taong nakaupo na, parang ayaw nang bumaba pa. kumportable eh. karamihan kapit-tuko sa pwesto kapag andun na.

"makikiabot nga po ng bayad." nag-abot ako ng sampung piso sa katabi ko na nag-abot naman sa katabi ng katabi nya na nag-abot naman sa mamang driver.

"tollgate lang ho 'yan, galing terminal." dagdag ko nang binibilang na ni manong driver ang bayad ko.

dedma si manong. hanep, parang 'alang narinig. naghintay ako ng ilang minuto sa sukli kong singkwenta sentimos.

makalipas ang 5 minutes..

"manong tollgate lang ho yung ten pesos kanina. galing terminal ho yun." medyo nilakasan ko na yung boses ko.

napatingin si manong sa salamin. parang nagulat ata sa lakas ng boses ko. napansin ko nakatingin din lahat ng pasahero sa 'kin.

"O! ETONG SUKLI MO! PARA SINGKWENTA LANG..KUNG MAKAHINGI KA NG SUKLI..."

nagulantang ako sa sagot ni manong! nagalit yata. padabog na iniabot yung sukli ko habang bumubulong-bulong.

tuluyan ng uminit ang ulo ko.

"SALAMAT HOOOO!" mas malakas kong sagot sabay lagay ng sukli sa bulsa ng polo ko.

tawanan lahat ng pasahero. di ko alam kung kanino sila natatawa. kay manong driver ba o sa mga sarili nila?

hindi naman ako kuripot at lalong hindi rin ako madamot. sa ganang akin lang, pinaghihirapan ko lahat ng kusing na ginagasta ko. at mahirap kumita ng pera ngayon.

bago ako bumaba ng dyip, umandar na naman ang kaepalan ko. "MANONG, SA SUSUNOD 'WAG PO KAYONG MADUGA. ANG TAMA PONG MAG-SUKLI, MADAMI ANG SUKI. YUN LANG PO!"

tawanan na naman lahat ng pasahero. pati ako.



nakapayong akong naglalakad nang may lumapit na bata sa 'kin na nakaladlad ang kamay.

"kuya, pangkain lang." sabi nung bata.

hindi ko ugaling magbigay ng limos at dededmahin ko na sana nang maalala ko ang singkwenta sentimos na sukli ko.

"o, eto."

akala ko magagalit yung bata dahil singkwenta lang ang ibinigay ko. pero sa halip, napangiti ito. napansin ko na meron s'yang dinukot sa nang-gigitatang nyang bulsa - dalawang bente singko sentimos.

napangiti din ako at patuloy na naglakad palayo.

nang lingunin ko ulit yung batang nanlilimos, nakita ko na may hawak na syang lollipop.

naisip ko malaki pa din pala ang halaga ng ibinigay ko. singkwenta sentimos man, kapag sinamahan mo ng isa pang singkwenta sentimos, ay pwedeng maging isang matamis na kendi... kendi na para sa batang iyon ay pantawid gutom din.

mrt part 2: itlog at iba pang kwento

Wednesday, June 3, 2009

lunes ng umaga, rush hour at tulad ng dati, hindi pa rin masingitang-karayom ang pagkakadikit-dikit ng mga tao sa loob ng tren. isa ulit ako sa mga pilit na nakikipagsiksikan sa mga pasaherong naghahabol din ng oras sa trabaho.

out of nowhere, nagsalita bigla si manong na parang construction worker na nasa harapan ko lang.

manong: brod, taas mo ng konti yung bag mo, ang init e.

ako: (dedmatology)

manong: 'brod, yung bag mo kako. mainit.

ako: (medyo nagulat) ako ho ba ang kausap nyo? (sabay silip sa clutch bag na hawak ko)

manong: oo. yung bag mo, mainit. ano bang laman nyan? mapipisa itlog ko sa 'yo e.

wattaf*ck! naalala ko ang pinabaong tanghalian ni mamita sa 'kin. dali-dali kong itinaas ang hawak kong bag at humingi ng paumanhin kay manong.

ako: naku, sorry ho. 'sensya na. (compose pa rin ako pero sa totoo lang, napahiya na ko ng konti.)

lalakeng katabi nung manong (parang construction worker din): baka naluto na yang itlog mo pare. ambaho na e.

manong: gago.

tawanan ang mga nakarinig na pasahero. at tuluyan na nga akong binalot ng kahihiyan na para bang gusto ko ng sumigaw ng "para, bababa na ko!!!"

tanghalian. kinakain ko na yung baon ko nang umepal si officemate, "ang sarap ng itlog!" na-imagine ko si manong at ang naluto n'yang betlog. nawalan ako ng gana. badtrip.



segue: interbyu

nang mag-apply ako sa meralco

interviewer: bakit gusto mong magtrabaho sa isang kumpanya na pinararatangan ng mga tao na sobra-sobra kung maningil ng kuryente?

ako: bakit, hindi ba?

interviewer: (tumulo ang sipon)



ako naman ang interviewer dito. ang iniinterview ko, isang 19-year old na babae na nag-aapply bilang production crew.

ako: good morning.

aplikante: gud morning din, sir. (uy, ang lambing)

ako: sinong nag-refer sa 'yo dito? (habang hinahanap sa bio-data ang pangalan ng nag-refer sa kanya)

aplikante: .... (ang tagal sumagot)

ako: ... (napansin ko na matagal sumagot yung aplikante. ni-rephrase ko yung tanong) may nag-refer ba sa 'yo dito?

aplikante: ... ano po yung repeyr?

ako: (nosebleed)



ako ulit ang nag-iinterview. ang interviewee, isang college graduate. (di ko lang maalala yung position na ina-applyan)

ako: good morning, sir. (tapos nagpakilala ako)

aplikante: good morning too, sir.

ako: so, how do you want me to call you?

aplikante: nandyan po yung cellphone number ko. (sabay turo sa hawak kong resume)

ako: (nawala ako ng konti sa huwisyo) no, sir. i mean paano nyo po gustong tawagin ko kayo?

aplikante: (ang bilis sumagot) ah, nandyan na din po yung landline ko.

ako: (tuluyan ng nawala sa tamang katinuan)



ako: tell me, anong katangian ang meron ka na wala sa ibang aplikante?

aplikante (ito din yung 19-year old na babae na nag-aapply as production crew): asset po ba?

ako: parang ganun na nga.

aplikante: hindi po ba obvious? (habang mas iniliyad pa ng maigi ang dibdib)

ako: (naglaway. ahahahaha)

bwiset

Monday, November 17, 2008

hindi pa nakakalusot ang inimbento kong dokumento sa bwakananginang yearly budget presentation kaya bago ko ituloy ang kwentong medyo nabitin, may isi-share muna akong nakaka-bwiset na experience sa bus.

scenario 1: papasok

medyo tinanghali ako ng gising kahapon kaya inabot ako ng rush hour sa kalsada papasok ng opisina. medyo ma-traffic dahil ginagawa yung extension ng mrt to monumento. ok lang sana dahil air-con naman yung bus. ang kaso lang yung gag*ng lalakeng pasaherong nakaupo sa may unahan ko e hanep maka-recline ng upuan. eh pucha, naiipit na yung paa ko.

hindi na ko nakatiis. kinalabit ko yung lalake, "excuse brod, pakiayos yung upuan mo. naiipit yung tuhod ko eh."

dedma. hindi ata ako narinig.

kinalabit ko ulit. "brod, yung upuan mo pakiayos. ok lang? masakit sa tuhod eh."

lumingon yung timawang pasahero, "di na 'to nababalik eh." sabay balik ng earphone sa tenga niyang malibag.

ay putang-inang nilalang sa mundong ibabaw, biglang umabot sa boiling point ang dugo kong medyo nagsisimula nang mainip sa traffic.

tumayo ako sa upuan at tumapat dun sa gag*ng pasahero.

"pare, yung upuan mo kanina matino yan. ikaw lang ang hinde. naiipit na yung tuhod ko, pwedeng paki-ayos? oa kang maka-recline eh. feeling mo eroplano 'to."

poof!

isa-isang naglitawan ang ulo ng mga usyosero. nagulantang ata. si gag*ng pasahero wala nang nagawa kundi ayusin yung upuan nya.

nag-thank you naman ako bago ako bumalik sa pwesto ko.

yung ibang pasahero pa-simpleng tinanggal din ang pagkaka-recline ng kinauupuan nila. natakot ata.

scenario 2: pauwi

kahapon pa rin nang pauwi na ko galing office, may mga sumakay na pasahero paghinto ng sinasakyan kong bus sa may cubao. yung isa, sa may tabi ko umupo, babae.

pagkaupong-pagkaupo ni ate, naamoy ko kaagad ang kanyang nakapaninindig balahibo at nakangangatal ng lamang halimuyak. alam mo yung tawag sa likidong nasa loob ng tenga? yung parang alaska condensada na sabi ng nanay mo e makukuha mo pag di ka naglinis ng tenga after mong maligo? ganun na ganun yung amoy ni ate. naman...

anak ng lugang masarap ipalaman sa tinapay. buti na lang ordinary bus yung sinasakyan namin. kung nagkataon na air-con yun, malamang na-comatose na 'ko. gusto ko sanang hiritan si ate at itanong kung ano ang pabango nya, kaso naisip ko sayang lang ang laway ko dahil hindi naman sya babango kahit anong pang-aalipusta pa ang gawin ko. at isa pa, nakikiamoy lang ako kaya wala akong karapatang magreklamo.

ayokong tumayo sa bus kaya tiniis ko na lang yung isang oras at kalahating byahe na magkatabi kami. badtrip.

pagdating ko sa bahay, para akong naka-rugby. in short, lutang. kaninang lunch, kinuwento ko sa mga ka-officemate ko yung pamatay na scent ni ate. pagkatapos ng kwento, halos isumpa ako ng mga kasama ko dito. sabi ko parang sony yung amoy ni ate, "like no other."

ang mga putang-inang holdaper

Thursday, September 25, 2008

paumanhin. hindi ko mapigilang magmura. first time kong maholdap. at first time ko ding mag-celebrate ng birthday sa loob ng ospital. anim na tahi ang ginawa ng doktor para maisarado ang mahabang hiwa ng lanceta sa kaliwang braso ko. putang-ina. masakit...


"HOLDAP 'TO! WALANG PAPALAG!" sabi ng lalaking katapat ko habang binabaybay ng fx na sinasakyan namin ang kahabaan ng rizal avenue mga bandang alas-onse kagabi.

"PARE, ALALAYAN MO YANG DRAYBER! BUTASIN MO ANG KATAWAN PAG PUMALAG!" sabi ng lalaki sa kasama nyang holdaper na nakapwesto sa harapan.

walang nagreact. tahimik lang ang lahat. nakikiramdam. umasa ako na may sisigaw ng "wow mali!" pero walang ganun. walang camera. holdap nga ang putang-ina.

"diyos ko, parang awa nyo na. wag naman ho o." mangiyak-ngiyak na nagmamakaawa yung isang babaeng pasahero habang pilit na kinukuha ng isa pang holdaper ang tangan niyang bag.

sa puntong iyon, nakatutok na sa 'kin ang mahabang lanceta ng lalakeng nasa harapan ko. at naramdaman kong umakyat ang lahat ng dugo sa ulo ko nang maisip ko isa-isa ang mga nasa loob ng dala kong backpack - n73, psp, mga importanteng CDs at yung portable hard disk na dugo at pawis ko ang mga datos na laman.

"akin na yang bag mo!" sabi ng lalaking nag-declare ng holdap at akmang sasaksakin ako.

"grabe naman kayo manong, ang hirap na nga ng buhay mangho-holdap pa kayo." pakiramdam ko naihi na ako sa sobrang kaba.

"gago, kaya nga kami nanghoholdap e." sabat nung lalaking nasa unahan.

"sinabing akin na yang bago mo eh!" sigaw nung holdaper sa 'kin. "baka gusto mong butasin ko yang leeg mo!"

"wala namang laman 'to manong e. itong wallet ko na lang." parang nakikipag-tawaran pa ko.

"putang-ina! ang tigas mo ah!"

"putang-ina nyo rin manong! nangho-holdap ka na nga lang mangmumura ka pa."

"gago ka pala eh! pare, tutuluyan ko na 'to!"

sumabat yung driver. "boy, ibigay mo na. baka mapano ka pa."

napaisip ako. masyado pang maaga para mamatay ako. marami pa akong gustong gawin. hindi pa natutupad ang pangarap kong makita ang statue of liberty at magpa-picture sa tabi nito. hindi ko pa nalilibot ang buong pilipinas. hindi ko pa nababawian yung abusado kong kasama sa opisina. at higit sa lahat, hindi pa ko nakakagawa ng magiging tagapagmana ko. putang-ina. hindi pa ko pwedeng mamatay.

nasa loob din ng bag ko yung mahabang screw driver na hiniram ko sa computer technician namin sa office. ayoko pang mamatay pero ayoko din namang ibigay ang mga bagay na pinaghirapan ko ng ganun-ganun na lang.

tatlo ang mga putang-inang holdaper. isa sa unahan katabi ng driver, isa sa gitna at nakakatutok din ang hawak na lanceta sa dalawang babaeng pasahero, at yung pangatlo na nagdeclare ng holdap, nasa harapan ko katabi ang isa pang lalaking pasahero.

nagkatinginan kami ng katapat kong pasahero. hindi ko alam kung pano nangyari pero parang nagkaintindihan kami kung anong pwedeng gawin.

"ito na lang wallet ko manong. mahigit tatlong libo din ang laman nito." binuksan ko yung bag ko at inabot ang wallet sa holdaper.

hindi na ako nag-atubili pa nang malingat ang hayup na holdaper sa wallet na ibinigay ko. isang sipa sa mukha sabay bunot ng screw driver na nasa loob ng bag ko at isinaksak sa likod ng holdaper na nasa gitna. dumaplis. pero nakita kong dumugo ang likod ng gago.

sumadsad ang fx sa bangketa. rambulan sa loob. sigawan. murahan. masyadong mabilis ang mga naging pangyayari. naramdaman ko na lang na masakit at dumudugo na ang kaliwang braso ko.

nagkagulo. nagpanic ang lahat. pati ang mga holdaper. lumapit ang mga usisero, tambay at pangkaraniwang tao sa sumadsad na fx. "holdap! holdap!" sigaw nung driver.

nagsitakbuhan ang tatlong holdaper. may mangilan-ngilang humabol pero hindi na inabutan ang mga kumag.

makalipas ang ilang minuto, nasa ospital na ako kasama ang dalawa pang pasahero na katulad ko e sugatan din. wala namang kritikal. hiwa lang ng lanceta. pero puta, masakit pa rin. may mga dumating na pulis at barangay tanod pero hindi na rin ako umaasa na mahuhuli pa ang mga timawang holdaper.

habang nililinis ng nars sa ospital ang sugat ko, lumapit sa 'kin yung isang babaeng kapwa ko pasahero. "dapat sana hindi ka na nanlaban. muntik na tayong mamatay lahat."

hindi ko alam kung naninisi ba o tanga lang talaga si ate.

"ganun ba? insured naman ho ako ate eh." naiinis kong sagot sa babae. natawa yung nars pero si ate hindi.

mrt part 2: libre

Friday, August 15, 2008

nag-aabang ako ng tren nang makita ko ang isang lalaking nagbabasa ng Libre. napansin ko na 'sang damukal ang hawak nyang kopya kaya lumapit ako at umepal.

ako: manong, pwede bang makahingi ng isa?

tumingin sa 'kin si manong. parang construction worker ang suot. naka-shorts, tsinelas na goma, at nakapang-basketball na sando.

akala ko sasagutin ako ng "hu u?" pero no response si manong at itinuloy ang pagbabasa.

ako: (dedma si manong kaya lalong umandar ang kaepalan ko) pahingi naman ng isa?

manong: kumuha ka kaya ng sarili mo dun. (sabay turo sa lugar kung saan nakalagay ang mga libreng dyaryo.)

ako: e wala na hong natira eh.

manong: oh, e di wala na kung ganon. ba't hihingin mo 'to e akin 'to?

parang uminit ang dugo ko sa katawan sa sagot ni manong.

ako: ang dami nyo ho kasing kinuha kaya wala ng natira. isang dangkal yata yung kinuha nyo e.

manong: (nairita na ng tuluyan sa pangungulit ko) putang-ina. magbyahe ka kaya ng maaga para makakuha ka ng sa 'yo.

ako: (nairita na rin) e bakit kayo nagmumura? humihingi lang ng kopya e. ang dami-dami nyo kasing kumuha. prang pati ata mga kamag-anak nyo bibigyan nyo.

hindi ako war freak pero pag may mga taong wala sa lugar, pucha, hindi pwedeng hindi ko patulan.

nakatingin na sa 'min yung ibang pasahero na nag-aabang din ng tren. parang mga audience sa mandalay bay at nag-aabang ng pagtunog ng boxing bell bilang hudyat ng round 1.

may lumapit na referee. si manong guard.

guard: mga boss, wag kayo dito mag-away. dun kayo sa baba. ang aga-aga e.

ako: boss, humihingi lang ako ng kopya ng libre. 'sang damukal ang kinuha nitong si manong e. tingnan nyo.

sumegunda yung isang miron na nakiki-usi, "buwaya kasi e."

guard: isa-isa lang kasi ang kuha. akin na yung iba. para lang sa mga pasahero yan.

ako: kitam manong? para lang daw sa pasahero. kayo naman pati buong angkan nyo e kinuhanan nyo ng kopya. wag ganun.

tawanan ang mga usisero.

wala ng nagawa si manong construction worker kundi ibigay ang mga sobrang dyaryo sa gwardya at naglakad na palayo. napahiya ata.

pagdating ko sa opisina, nakita ko si manong sa lobby. sya pala yung magpipintura nung stock room namin. ayun, maghapon akong nagtago sa cubicle. mahirap nang masapak.

sorry miss, pumapatol ako sa babae

Thursday, July 24, 2008

ito ang unang post ko kaya susubukan kong magpakabait kahit konti.

lunes ng umaga, rush hour, sa loob ng animo'y lata ng sardinas na MRT...

nakatayo ako malapit sa pintuan habang pilit na inaabot ng dulo ng aking daliri ang handrail ng tren. isang istasyon na lang at bababa na ako nang biglang nagsalita ang isang babaeng nasa may harapan ko.

babae: excuse me! kanino bang kamay yang nasa likuran ko? kanina pa yan ha. nakakabastos na.

nagtinginan ang lahat ng pasahero sa babaeng nagsalita. pagkatapos ay ibinaling naman nila ang tingin sa 'kin.

pasaherong lalake: o, walang hipuan.

tawanan ang lahat. pati ako.

babae: pucha, mga lalake talaga ngayon ang lilibog. kahit saan na lang... (tapos tingin ng tingin sa 'kin)

ako: (hindi na 'ko nakatiis) e bakit ka tingin ng tingin sa 'kin? feeling mo hihipuan kita? kapal mo naman.

babae: e di ba kamay mo yun? pucha ka. manyak! (halatang nainis)

ako: excuse me? ikaw hihipuan ko? ano ka sinuswerte?

babae: gago!

ako: gaga, sister. pwet mo hahawakan ko? meron din ako nyan. dun ka kaya sa may harapan, nakita mong puro lalake dito e. feeling mo ang ganda-ganda mo. ang itim naman ng batok mo. 'wag ka ng magsalita. hihirit ka pa eh. (in voice tone of a gay)

tawanan ang mga kasama naming pasahero.

ako: "sorry miss, pumapatol ako sa babae. assuming ka kasi e."

ilang saglit pa at tumigil na ang tren sa istasyong bababaan ko. nakangisi pa rin ang mga pasahero habang sinusundan ako ng tingin palabas ng jam-packed na bagon.