paumanhin. hindi ko mapigilang magmura. first time kong maholdap. at first time ko ding mag-celebrate ng birthday sa loob ng ospital. anim na tahi ang ginawa ng doktor para maisarado ang mahabang hiwa ng lanceta sa kaliwang braso ko. putang-ina. masakit...
"HOLDAP 'TO! WALANG PAPALAG!" sabi ng lalaking katapat ko habang binabaybay ng fx na sinasakyan namin ang kahabaan ng rizal avenue mga bandang alas-onse kagabi.
"PARE, ALALAYAN MO YANG DRAYBER! BUTASIN MO ANG KATAWAN PAG PUMALAG!" sabi ng lalaki sa kasama nyang holdaper na nakapwesto sa harapan.
walang nagreact. tahimik lang ang lahat. nakikiramdam. umasa ako na may sisigaw ng "wow mali!" pero walang ganun. walang camera. holdap nga ang putang-ina.
"diyos ko, parang awa nyo na. wag naman ho o." mangiyak-ngiyak na nagmamakaawa yung isang babaeng pasahero habang pilit na kinukuha ng isa pang holdaper ang tangan niyang bag.
sa puntong iyon, nakatutok na sa 'kin ang mahabang lanceta ng lalakeng nasa harapan ko. at naramdaman kong umakyat ang lahat ng dugo sa ulo ko nang maisip ko isa-isa ang mga nasa loob ng dala kong backpack - n73, psp, mga importanteng CDs at yung portable hard disk na dugo at pawis ko ang mga datos na laman.
"akin na yang bag mo!" sabi ng lalaking nag-declare ng holdap at akmang sasaksakin ako.
"grabe naman kayo manong, ang hirap na nga ng buhay mangho-holdap pa kayo." pakiramdam ko naihi na ako sa sobrang kaba.
"gago, kaya nga kami nanghoholdap e." sabat nung lalaking nasa unahan.
"sinabing akin na yang bago mo eh!" sigaw nung holdaper sa 'kin. "baka gusto mong butasin ko yang leeg mo!"
"wala namang laman 'to manong e. itong wallet ko na lang." parang nakikipag-tawaran pa ko.
"putang-ina! ang tigas mo ah!"
"putang-ina nyo rin manong! nangho-holdap ka na nga lang mangmumura ka pa."
"gago ka pala eh! pare, tutuluyan ko na 'to!"
sumabat yung driver. "boy, ibigay mo na. baka mapano ka pa."
napaisip ako. masyado pang maaga para mamatay ako. marami pa akong gustong gawin. hindi pa natutupad ang pangarap kong makita ang statue of liberty at magpa-picture sa tabi nito. hindi ko pa nalilibot ang buong pilipinas. hindi ko pa nababawian yung abusado kong kasama sa opisina. at higit sa lahat, hindi pa ko nakakagawa ng magiging tagapagmana ko. putang-ina. hindi pa ko pwedeng mamatay.
nasa loob din ng bag ko yung mahabang screw driver na hiniram ko sa computer technician namin sa office. ayoko pang mamatay pero ayoko din namang ibigay ang mga bagay na pinaghirapan ko ng ganun-ganun na lang.
tatlo ang mga putang-inang holdaper. isa sa unahan katabi ng driver, isa sa gitna at nakakatutok din ang hawak na lanceta sa dalawang babaeng pasahero, at yung pangatlo na nagdeclare ng holdap, nasa harapan ko katabi ang isa pang lalaking pasahero.
nagkatinginan kami ng katapat kong pasahero. hindi ko alam kung pano nangyari pero parang nagkaintindihan kami kung anong pwedeng gawin.
"ito na lang wallet ko manong. mahigit tatlong libo din ang laman nito." binuksan ko yung bag ko at inabot ang wallet sa holdaper.
hindi na ako nag-atubili pa nang malingat ang hayup na holdaper sa wallet na ibinigay ko. isang sipa sa mukha sabay bunot ng screw driver na nasa loob ng bag ko at isinaksak sa likod ng holdaper na nasa gitna. dumaplis. pero nakita kong dumugo ang likod ng gago.
sumadsad ang fx sa bangketa. rambulan sa loob. sigawan. murahan. masyadong mabilis ang mga naging pangyayari. naramdaman ko na lang na masakit at dumudugo na ang kaliwang braso ko.
nagkagulo. nagpanic ang lahat. pati ang mga holdaper. lumapit ang mga usisero, tambay at pangkaraniwang tao sa sumadsad na fx. "holdap! holdap!" sigaw nung driver.
nagsitakbuhan ang tatlong holdaper. may mangilan-ngilang humabol pero hindi na inabutan ang mga kumag.
makalipas ang ilang minuto, nasa ospital na ako kasama ang dalawa pang pasahero na katulad ko e sugatan din. wala namang kritikal. hiwa lang ng lanceta. pero puta, masakit pa rin. may mga dumating na pulis at barangay tanod pero hindi na rin ako umaasa na mahuhuli pa ang mga timawang holdaper.
habang nililinis ng nars sa ospital ang sugat ko, lumapit sa 'kin yung isang babaeng kapwa ko pasahero. "dapat sana hindi ka na nanlaban. muntik na tayong mamatay lahat."
hindi ko alam kung naninisi ba o tanga lang talaga si ate.
"ganun ba? insured naman ho ako ate eh." naiinis kong sagot sa babae. natawa yung nars pero si ate hindi.