anghel de la guardia

Thursday, August 21, 2008

"heto ka na naman. kumakatok sa king pintuan. muling naghahanap ng makakausap. at heto naman ako. nakikinig sa mga kuwento mong paulit-ulit lang. nagtitiis kahit nasasaktan."

bakit ba kasi kinausap pa kita. alam ko naman na iba na ang mundo mo ngayon. hindi na ako ang iyong anghel na palaging nakabantay at umaalalay sa 'yo. hindi na ako ang iyong anghel na palagi mong kasama at kakwentuhan. bakit ba kasi kinausap pa kita? nagulo lang tuloy ang masaya na sana't makulay kong mundo.

"ewan kung bakit ba. hindi ka ba nadadala? hindi ba kailan lang nang ika'y iwanan niya? at ewan ko nga sa 'yo. parang balewala ang puso ko. ano nga bang meron sya na sa akin ay 'di mo makita?"

naaalala ko pa nung highschool pa lang tayo. sabi mo noon ako ang gusto mong makasama. sabi mo noon, ako ang anghel de la guardia mo. pero bigla kang lumayo. umiwas ka ng walang pasabi. hindi ko maiwasang hindi magtanong. bakit? hindi ko maiwasang hindi manghinayang sa naputol nating samahan. hindi ko maiwasang hindi masaktan.

"kung ako na lang sana ang 'yong minahal 'di ka na muling mag-iisa. kung ako na lang sana ang 'yong minahal 'di ka na muling luluha pa. 'di ka na mangangailangan pang humanap ng iba. narito ang puso ko naghihintay lamang sa 'yo. kung ako na lang sana..."

isang araw, nakita ko kayo ng bago mong binabantayan. masakit man, kailangang tanggapin. hanggang doon na lamang nga siguro ang papel ko sa 'yo. may nakita ka ng bagong anghel. bagong anghel na makakasama at mamahalin mo. bagong anghel na magbabantay sa 'yo. siyang anghel na pinangarap kong maging papel noon sa buhay mo.

"heto pa rin ako. umaasang ang puso mo baka sakali pang ito'y magbago. narito lang ako. kasama mo buong buhay mo. ang kulang na lang mahalin mo rin ako'ng lubusan..."

hindi ko na hinihiling pa na ibalik natin ang noon. ang dami ng nagbago. hindi na nga ako ang anghel na sinasabi mo. pero ganun pa man, hindi naman magbabago ang pagtingin ko sa 'yo. ikaw pa rin ang kababatang malapit sa puso ko. pero sa pagkakataong ito, maaari bang ikaw naman ang maging bantay namin ng "mahal" ko?

mrt part 2: libre

Friday, August 15, 2008

nag-aabang ako ng tren nang makita ko ang isang lalaking nagbabasa ng Libre. napansin ko na 'sang damukal ang hawak nyang kopya kaya lumapit ako at umepal.

ako: manong, pwede bang makahingi ng isa?

tumingin sa 'kin si manong. parang construction worker ang suot. naka-shorts, tsinelas na goma, at nakapang-basketball na sando.

akala ko sasagutin ako ng "hu u?" pero no response si manong at itinuloy ang pagbabasa.

ako: (dedma si manong kaya lalong umandar ang kaepalan ko) pahingi naman ng isa?

manong: kumuha ka kaya ng sarili mo dun. (sabay turo sa lugar kung saan nakalagay ang mga libreng dyaryo.)

ako: e wala na hong natira eh.

manong: oh, e di wala na kung ganon. ba't hihingin mo 'to e akin 'to?

parang uminit ang dugo ko sa katawan sa sagot ni manong.

ako: ang dami nyo ho kasing kinuha kaya wala ng natira. isang dangkal yata yung kinuha nyo e.

manong: (nairita na ng tuluyan sa pangungulit ko) putang-ina. magbyahe ka kaya ng maaga para makakuha ka ng sa 'yo.

ako: (nairita na rin) e bakit kayo nagmumura? humihingi lang ng kopya e. ang dami-dami nyo kasing kumuha. prang pati ata mga kamag-anak nyo bibigyan nyo.

hindi ako war freak pero pag may mga taong wala sa lugar, pucha, hindi pwedeng hindi ko patulan.

nakatingin na sa 'min yung ibang pasahero na nag-aabang din ng tren. parang mga audience sa mandalay bay at nag-aabang ng pagtunog ng boxing bell bilang hudyat ng round 1.

may lumapit na referee. si manong guard.

guard: mga boss, wag kayo dito mag-away. dun kayo sa baba. ang aga-aga e.

ako: boss, humihingi lang ako ng kopya ng libre. 'sang damukal ang kinuha nitong si manong e. tingnan nyo.

sumegunda yung isang miron na nakiki-usi, "buwaya kasi e."

guard: isa-isa lang kasi ang kuha. akin na yung iba. para lang sa mga pasahero yan.

ako: kitam manong? para lang daw sa pasahero. kayo naman pati buong angkan nyo e kinuhanan nyo ng kopya. wag ganun.

tawanan ang mga usisero.

wala ng nagawa si manong construction worker kundi ibigay ang mga sobrang dyaryo sa gwardya at naglakad na palayo. napahiya ata.

pagdating ko sa opisina, nakita ko si manong sa lobby. sya pala yung magpipintura nung stock room namin. ayun, maghapon akong nagtago sa cubicle. mahirap nang masapak.