tatlong taon

Tuesday, November 1, 2011

sa loob ng tatlong taon, kahit paunti-unti ay buong-puso kong naibahagi ang aking sarili at pagkatao sa bawat pagtangan ko ng lapis at sa sandaling ilapat ko ito sa papel. tatlong taon. 31 entries. 732 komento. may mga natuwa, natawa, na-touched, nainis, nagduda, at nagkunwaring nagbasa. marami akong nakilala.

sa loob ng panahong iyon, hindi ko na mabilang kung ilang papel na ba ang aking sinulatan, pinunit, ginuhitan, at itinapon depende sa tamis o pait na namamahay sa akin sa bawat pagtatangka kong lumikha ng akda. hindi ko na din mabilang kung ilang beses akong nagalak, na-frustrate, namangha, at na-disappoint sa pagtatapos ng mga kathang damdamin at kaluluwa rin ang naging puhunan.

sa loob ng tatlong taon, hinayaan kong matunghayan ng mga mambabasa kung sino ako, maging ang mga kalakasan at kahinaan ng aking pagkatao. at inaamin ko, noong una'y nagkaroon ako ng mga pag-aalinlangan. natakot akong mapintasan sa paraan ng aking pagsusulat at paglalahad dahil batid kong nariyan ang mga kritiko. susuriin ng mga higante at maalam (kuno) sa panitikan ang bawat titik at ideyang iluluwa ng aking utak. higit sa lahat, natakot akong mahusgahan dahil ang bawat kwento ay sasalamin kung sino ako bilang isang tao. ngunit nakatagpo ako ng lakas upang tanggapin ang mga bagay na maaaring makasakit sa akin.

tatlong taon na nga ang nakalipas at ngayon, hindi ko alam kung kaya ko pang ipagpatuloy ang pagsusulat. hindi ko na alam kung paano ilalarawan ang mga bagay at pangyayaring gusto kong itala at ikuwento, gayong nauunawaan ko namang hindi ito isang research paper, term paper, formal o informal theme, o kahit anong essay na may deadline at nagdidikta kung ano ang dapat lamanin. hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin. marahil ay nawalan lang ng gana, ng inspirasyon, ng oras, ng pagkakataon. o marahil ay namatay na ang apoy na nagsisilbing liwanag sa tuwing ilalapat ko ang tangan kong lapis sa papel.

ngayon, pilitin ko mang sumulat ng bago, labis na akong nahihirapan. nakalimutan ko na siguro ang pakiramdam kung paano mag-bahagi ng malaya at walang pag-aalinlangan. nakalimutan ko na kung paano gamitin ang aking imahinasyon. nakalimutan ko na ang tatlong taong lumipas at ang samu't saring kwentong humulma sa akin bilang isang manunulat.. bilang isang tao. wala. nakalimutan ko na ang lahat...

wala na ang kilig sa bawat paghabi ng kwento gamit ang lapis at papel...

wala na ang sabik na tapusin ang sinimulan...

wala na ang kagustuhang magpatuloy pa...

tatlong taon. wala na.

10 comments:

joeyvelunta said...

Tatlong taon na pala ang weblog ni kabute. Binatbati kita! Nitong taon ko lamang kasi napasyalan itong nakakatuwa at nakakaaliw na blog na ito. Pero masaya kong ipinaparating sayo na nagugustuhan ko ang mga pulandit ng mga ideya, imahinasyon at higit sa lahat ang karanasan ng nagsusulat. Di ko man na madalas nakikita ang weblog ni kabute sa BR ng blog ko, natitiyak kong isa ako sa mga taong nag-aabang sa bawat pagsulpot ng pangalan ng blog ito.

Muli binabati kita sir!

Anonymous said...

Kung maka-post naman ito, talagang taos. So, ano ito? Talagang magsasara ka na ng blog? :|

tina said...

3yrs na pla blog mo... salamat at minsan mu kaming naaliw sa mga panulat mo :)

Artiemous said...

sayang naman kung ititigil mo na lang sya... sabi mo nga 3 years din yun. Try mo kaya ibang concept or theme. :)

Unknown said...

Natural lang yan. Sigurado ako lahat ng nagsusulat dumadaan dyan. Kung minsan iba-iba lang ang dahilan at tagal bago makabalik. Isang araw babalik din yan, baka busy lang utak mo sa ibang bagay na tingin mo ay mas mahalaga sa kesa sa ubusin ang oras sa pag sulat.

Kung tutuusin nga, ayan nakapag sulat ka na. Ang ganda kaya ng pagkakasulat. :)

makatang kiko said...

Tulad mo rin akong minsan ay nawawalan, nabablanko, ngunit mayroon tayong oras at lugar na dumadaloy nang kusa ang mga salita sa ating isipan.
Salamat sa pag follow mo sa akin sa twitter.

kae said...

writer's block? lahat naman ng writer (at writer kuno) nararanasan yan. magsulat ka lang, wag mong isipin yung ibang tao, magsulat ka para sa sarili mo. for sure, kaya mo pang magsulat, ikaw pa.(;

p.s. miss your posts at kulitan natin sa blog ko. hehe.

s.p.s. siguro di mo mahulaan kung sino ako. nagpalit na ko ng id at url.

s.d.p.s. now you know. hehe

iya_khin said...

need mo lang siguro ng lablayp!! hahahah

angelo said...

pano kayo nagmove on?...