laruan

Thursday, October 13, 2011

“Maiilit na ang Luzon! Magpakatao kayong lahat!”

Patlang… bulungan.

“Pinapipirma nila ako sa utang na hindi ko ginawa! Ngayon, maiilit na ang Luzon! Magpakatao kayong lahat!”

“Hoy!” sigaw ng isang mama. Ikaw lang naman ang hindi tao dito e!”

Tawanan.

Ano ba ‘tong nasakyan kong dyip?, sa isip-isip ko. May pulubi pang nagpi-preach! Sinangla ba nya ang Luzon at ‘di nya natubos on time kaya maiilit?

Nakakatawa. Hindi ko tuloy maiwasang makingisi sa ibang mga pasahero, habang seryosong nakatingala sa kisame ng dyip ang gusgusing pulubi. Nasa dulo sya ng upuan, hawak ang kanyang punit-punit na karton at plastik na sa wari’y di na mapakikinabangan ang mga laman. At hindi kataka-takang may kabahuan na ang amoy niya. Kulang na nga lang ay itulak sya ng mamang katabi niya na halatang pinagtitiisan na lamang ang tumabi sa kanya. Pinilit nga siyang pababain ng driver sa terminal pa lang, pero nagmatigas siya at sinabi pang, “Bakit ako bababa? Ibalik muna niya ang pinang-gasolina ko!” Mataray!

“Gosh!” sabi ng babaeng nasa kanan ko, na kung bibilangin mula sa dulo ng upuan ay pangatlo siya, malapit sa pulubi.

“Ano ba yan!” banat pa uli nya. “I can’t wait to get off this jeep!” reklamo niya sa babaeng nasa kanan niya, na tinanguan na lamang siya.

“Para!” tawag ng lalaking nasa dulo, sa tapat ng pulubi. Pumreno ang driver at bumaba ang lalaki. Umurong patungo sa nabakanteng pwesto ang mga babae sa kanan ko, na ayaw lingunin ang katapat nilang gusgusin.

“Sinungaling!” Nagulat ang mga pasahero sa muling pagbasag ng sigaw ng pulubi sa katahimikan. “Sinungaling kayo! Sino ba sa atin ang nagsasabi ng totoo? Sino sa atin ang tatanggapin sa huli? Sinungaling!” pagpapatuloy niya habang nakadungaw sa labas ng dyip at ipinaaabot ang kanyang mensahe sa mga tao sa lansangan.

Ano kaya ang nangyari sa kanya? Bakit kaya siya nagkaganyan? Namana ba niya ang kabaliwan? Hindi kaya ginahasa siya noon? E, saan naman galing yung mga sinasabi niyang ilit-ilit? Utang-utang? Di kaya dating taga-bangko? Maraming tanong ang naglaro sa isip ko, pilit inuunawa ang inaasal ng babaeng gusgusing nakasakay ko.

“Hoy, babaeng grasa!” sigaw ng driver mula sa unahan, “huwag mong tatakutin ang mga pasahero ko’t baka ipahulog kita diyan!”

Tawananan.

“E, baka ho may dalang kung anong panaksak yan, makasakit pa!” banta ng isang may-edad nang babaeng nakaupo sa gawing malapit sa driver.

“Ha! Subukan niya!” sagot ng isang mama sa bandang gitna. “E, sa dami ng barako dito, anong panama niya?”

“Oo nga.” hirit pa ng isa. “Tsaka, padadaig ba tayo sa sintu-sinto? Sino bang matino dito?”

“Sino bang tao? Aba! Siya itong dapat magpakatao di ba?”

Tawanan ang mga pasahero.

Tiningnan ko siyang muli. Tahimik, nakadungaw lang sa labas ng dyip, di alintana ang pagtatawanang nagaganap na siya ang dahilan, o, pihadong hindi niya nauunawaang siya ang kasalukuyang ginagawang tampuhan ng tukso... laruan ng mga totoong tao. Ang pinakikinggan lang niya ay ang boses ng sarili niyang paligid. Ang nakikita lang niya ay ang tanawin ng sarili niyang mundo… hiwalay sa mga tao.

Opisina? Deadlines? Sweldo? Traffic? Gobyerno? Sigurado, hindi kasama yon sa mga iniisip niya. Buti pala siya, walang ibang iniisip. May pakialam kaya siya sa mga usaping pang-kapayapaan at hakbang laban sa terorismo? Sa mga kaguluhang nagaganap? Apektado ba siya sa mga isyu ng katiwaliang kabi-kabila?

Nakakatawang isipin. Oo nga pala, iba ang mundo niya. Pero, kung may buti mang dulot ang kaibahan ng mundo niya, yo’n siguro ang katahimikang namumutawi do’n. Mapayapa sa sarili niyang daigdig.

Ano pa kaya ang makikita ko sa mundo ng kawalang-malay? Ng plastic at karton?

Naku!


Naputol ang pagmumuni-muni ko sa gulat sa muling paghiyaw ng pulubi. At di na sa labas ng dyip nakatutok ang kanyang mga paningin, kundi sa loob ng sasakyan, tila iniisa-isa ang bawat pasahero sa matatalim na titig ng kanyang mga mata.

“Magpakatao na kayong lahat!” sabi na naman niya. “Malapit na kayong mapalayas sa inyong mga tahanan! Saan kayo mapapadpad kung hindi kayo magsisisi? Maiilit na ang Luzon! Magpakatao na kayong lahat!”

Pok!

Patlang.

Nagulat ako kasabay ng lahat. Isang tsinelas ang tumama sa mukha ng pulubi!

“Kanina ka pa ha!” sigaw ng mama sa may bandang gitna. “Nagtitimpi lang ako sa ‘yo!”

“Ano? Hihirit ka pa?”

Katahimikan.

Luha.

Umagos ang luha sa mga mata ng nasaktang gusgusin. Kasabay ng mga luha ang unti-unting pagtalim ng mga tingin, ang paglaya ng galit sa mukha, ang pagbuo ng mga kamao…

“Aaaaaah!!”

Binitiwan niya ang lahat ng kanyang dinadala. Nilipad na ang mga hawak niyang karton palabas ng dyip. Natapon na ang mga laman ng kanyang plastik, ngunit hindi na niya iyon alintana, ang tanging hangad na lamang niya ay gumanti. Kung gaano kalalim ang naging pagkaapi sa kanya, kung anong bahagi ng pagkatao niya ang naapakan, hindi niya alam. Ang tiyak lang, nasaktan siya at hindi niya iyon mapapayagan. Nabulabog ang kanyang mundo at idinikta ng kanyang damdamin ang paglaban!

Isang kalmot ang gumalos sa pisngi ng mama. Nabigla ang lahat. Natigilan. May natakot, naawa, natawa, natuwa, nainis, nagalit.

“Aaaaah! Magpakatao kayong lahat!” Kalmot dito. Palo doon. “Magsisi kayo! Magsisi kayo!”

“Gago!”

Bog!

“Para mama! Para!”

Nakalagpas na pala ako!

Huminto ang dyip at dali-dali akong bumaba, ni hindi na inabala pang lingunin ang pulubing bumulagta sa sahig, o hindi ko na ninais pang tingnan. Tinawid ko na lamang ang kalsada at tuluyang binagtas ang kalye pauwi.

Magpakatao kayong lahat! Magpakatao kayo! Paulit-ulit sa aking isip ang sigaw ng babaeng gusgusin.

Pasensya na, kauri ko kasi sila...

Entry para sa kategoryang Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards 3.


9 comments:

_isheloveblog_ said...

wee..aus to kabute..
ngustuhan q ang entry mo na to..sana manalo..^_^

Anonymous said...

ang galing naman! astig ang kwento. gud luck :)

EssaPayoyo said...

Kabs, galing.. seryoso :D

Anonymous said...

KAKAIBA ito..maganda...goodluck kabute!

Unknown said...

nice, good luck sau bro!

doon po sa amin said...

hello, kabute...

ang galing. like. :) good luck sa 'yong pagsali...

bagotilyo said...

hahaha .. kauri din ako nila..


Gudlak sa SBA..


haaar!

:)

kae said...

ganda ng pagkakakatha. ganda ng ideya. sabi ko na ee, magaling ka talagng magsulat.(: