"Kailangan ko ba talagang sumama?" tanong ko sa 'yo.
Hila-hila mo na ako bago ka pa man sumagot, "Nasa eskwelahan ang isang estudyante hindi lang para pumasok," giit mo sa akin. "Sabihin mo nga, ikaw, bakit ka ba nandito?" dagdag mo pa.
"Para mag-aral?" sagot ko sa 'yo na parang isang batang nagpapaliwanag ng obvious.
Tumigil ka at humarap sa akin, "Mali! Nandito tayo para matuto. At minsan, para meron tayong matutunan, kailangan nating lumabas ng eskwelahan," gigil na gigil mong pagpapaliwanag.
"You mean mag-cutting classes?"
"I mean umattend ng totoong classes," pakli mo sabay sakay sa pinara mong bus.
Gusto kong magreklamo pero sumunod din naman ako.
Hindi ko alam kung naaalala mo pa, pero dito nagsimula ang kwento nating dalawa. Nauto mo akong sumama sa 'yo noon sa isang rally na kahit kailan ay hindi ko naman pinaniwalaan. Mahal ko naman ang Pilipinas, pero hindi lang talaga ako ang tipo ng taong magtitiyaga sa kalsada para magreklamo sa kapalpakan ng gobyerno, pagtaas ng pamasahe, matrikula, presyo ng gasolina, bakit hindi nagkatuluyan sina John Lloyd at Bea, at kung anu-ano pang bagay na gusto mong ipaglaban na sa totoo lang ay hindi ko naman maintindihan.
***
Hindi ko alam kung naaalala mo pa nang minsang mag-cutting classes tayo para pumuntang Mendiola. Sabi mo sumama ka lang kasi nauto at pinilit kita. Pero hindi ako naniniwala. Sumama ka kasi nag-aalala ka. Tama ako hindi ba? Pero alam mo, hindi ko din lubos maisip kung paano tayo nagkasundong pareho. Paano nga ba? Magkaiba tayo ng hilig sa pagkain, fashion sense, ugali, paniniwala, at maging prinsipyo sa buhay. At isa pa, minsan nakakapikon ka rin kasama.
"Dapat nasa klase tayo ngayon at PUMAPASOK," reklamo mo sa 'kin pagkatapos nating magbayad ng pamasahe.
"Bakit? Natatakot ka 'no?" nakangiti kong tugon sa 'yo na may halo pang pang-aalaska.
"Bakit naman ako matatakot? Rally lang naman ang pupuntahan natin di ba? At kung natatakot man ako, dahil yun sa 'yo. Ang akin lang, mag-aral muna tayo. Bago tayo maging responsableng mamamayan, kung yun nga ang tawag sa ginagawa natin, maging responsableng estudyante muna tayo. Maging responsableng anak sa mga magulang natin. Sa mga magulang natin na nagta-trabaho ngayon makapag-aral lang tayo," may pagka-inis mong sagot sa 'kin.
Nagkibit-balikat lamang ako, "Whatever."
***
Hindi ko alam kung naaalala mo pa yung mga tanong mo sa 'kin sa bus papuntang Mendiola. Ang kulit-kulit mo noon. Muntik na nga akong mapikon sa 'yo.
"Sabihin mo nga, lalaki ka ba talaga? Until now wala ka pa ring girlfriend?"
Hindi ko na mabilang kung ilang beses mo na akong inusisa tungkol sa bagay na iyon gayong iisa lang din naman ang palagi kong sagot, "Alam mo, hindi dahil--"
"Walang girlfriend ang isang lalaki ay nangangahulugang hindi na s'ya tunay na lalaki. Alam ko naman yun," inunahan mo na ako.
"Yun naman pala eh."
"Pero kasi iba naman ang case mo. Kahit naman ganyan ka, imposibleng wala kang natitipuhan at wala ding nagkakagusto sa 'yo." Napabuntong-hininga ka ng malalim, "May hitsura ka naman. Matalino. Mabait. Gentleman. Pero bakit wala?"
"Anong kahit naman ganito ako?" kunot noo kong tanong sa 'yo.
"Wala lang. Tingin ko kasi ikaw yung tipo ng lalaki na masyadong perfectionist. Gusto mo ganito, ganyan. Hindi ka tumatanggap ng isang bagay na nasa minimum acceptable standards lang."
"Hindi ako pihikan. At lalong hindi ako perfectionist."
"E ano?"
"Hindi ko alam. Ewan."
Tumahimik ka saglit tapos sumandal ka sa upuan, "Sa ating magkaka-klase, kayo lang ni Pao ang walang girlfriend. Napansin mo ba yun?"
"Bakla si Pao."
"Kaya nga."
"Kailangan ko ba ng girlfriend para lang patunayan na lalaki ako?"
"Sinabi ko ba na kailangan mong patunayan na lalaki ka?"
"Tinanong mo 'ko kung bakla ako, hindi ba?"
"Ang sabi ko kung tunay na lalaki ka ba."
"Ganun din yun."
"Hindi. Magkaiba yun."
"Ang labo mo."
Ganoon naman palagi ang takbo ng usapan nating dalawa sa tuwing magtatanong ka tungkol sa kasarian ko. Kahit na alam kong alam mo naman ang sagot, pinapatulan pa rin kita.
***
Hindi ko alam kung naaalala mo pa yung mga bagay na napag-usapan natin sa bus papunta sa isang rally sa Mendiola. Aaminin ko, isa iyon sa pinakagusto kong byahe natin nung nag-aaral pa lang tayo.
"Ikaw, bakit wala kang boyfriend?" tanong mo sa akin noon.
"Sino namang may sabi sa 'yo na wala akong boyfriend?"
"Naisip ko lang. Magkasama tayo halos araw-araw at wala naman akong nakikita na naghahatid o sumusundo sa 'yo."
"Yun ba ang idea mo ng isang boyfriend? Ang taga-sundo at taga-hatid?"
"Hindi."
"Yun naman pala eh."
"Kaya nga."
"So nasagot ko na ang tanong mo?"
"Hindi pa rin."
"Oo nga."
Tumingin ka muna sa bintana ng bus bago ka sumagot, "Ang labo mo talaga," tapos ikaw naman ang napabuntong-hininga.
Siguro sumagi rin sa isip mo yung unang beses tayong nagkita. Late ako sa entrance exam noon. Actually, late tayo pareho. Tapos sabi ko sa test administrator binaha kami. E hindi naman umuulan. May point ka nga siguro, ang labo-labo ko.
***
Hindi ko alam kung naaalala mo pa yung unang beses nating napag-usapan ang buhay pag-ibig mo. Ang tagal-tagal na din kasi nating magkaibigan pero ni minsan ay hindi ka nagkwento tungkol sa bagay na iyon. Siguro kasi'y hindi rin naman ako nagtanong.
"Ilan na ba ang naging boyfriend mo?"
"Paulit-ulit?"
"Iba yung bakit wala kang boyfriend sa nakailang boyfriend ka na."
"Fine," maiksi mong sagot na halatang pag-iwas sa aking pang-uusisa.
"Seryoso ako."
Tumingin ka muna sa akin bago sumagot, "Isang seryoso, tatlong fling. Happy?"
Tumango lamang ako at ngumiti sa 'yo.
"Maniniwala ka bang Grade 5 pa lang ako nang una akong nagkaroon ng boyfriend?"
"Grade 5? Nine years old pa lang yata ako noon."
"Ang kapal mo. Ten na 'ko that time."
"Anong sabi ng mga magulang mo?"
"Sira ka ba? Syempre hindi nila alam."
Bumaling ako sa 'yo at itinuloy ang pagtatanong, "At wala ni isa sa kanila ang naka-first base?"
"Oo," mabilis mong sagot sa tonong as-a-matter-of-fact. "Bakit? Ano bang palagay mo sa 'kin? Gago ka talaga."
"Pokpok?"
"Ulol."
Pinalo mo sa akin ang kalong mong backpack. Tapos natawa tayong pareho. Yung tawang kasama pati puso, na parang tayong dalawa lang ang nasa loob ng bus nang mga oras na iyon. Alam mo isa yun sa pinaka-memorable kong sakay sa bus noong kolehiyo. Ang babaw ko ano?
***
Hindi ko alam kung naaalala mo pa yung unang beses na nagtanong ka sa akin tungkol sa buhay pag-ibig ko. Hindi ko nga alam kung bakit all of a sudden ay bigla kang nag-usisa. Patay malisya lamang ako noon. Pero deep inside ang laki ng ngiti ko. Paano ba naman kasi, for the first time sa loob ng apat na taon nating pagkakaibigan, bigla kang naging interesado.
"Para saan yung fling relationships? Ba't may ganon?" tanong mo sa akin pagkatapos mong malaman kung ilan na nga ba ang naging kasintahan ko.
"Wala. Pampalipas oras lang. Masabi lang na may boyfriend," paliwanag ko sa 'yo.
"Ah," tumatango mong tugon. "Yun ba yung M.U.?"
"Iba yun tange. Kapag fling, parang kayo pero hindi. No strings attached. Iba yun sa M.U."
"Ah, malabong ugnayan. Nagki-kiss din ba yun?"
"Alin?"
"Kapag fling lang."
"Depende."
"E yung sa inyo ng mga naging fling mo?"
"Depende nga."
"Depende saan?"
"Depende kung gusto nya. Depende kung gusto ko. Depende sa 'ming dalawa."
Tapos nagkatinginan tayo. Pakiramdam ko noon para akong nakuryente. Ewan ko ba. Ang weird. Kaya naman pilit kong ibinalik ang usapan sa 'yo.
"Ikaw ba?"
"Anong ako ba?"
"Hindi ko pa rin matanggap na ga-graduate na tayo't lahat pero until now wala ka pa ring nagiging girlfriend."
"Requirement ba yun para maka-graduate ako? Hindi ako na-inform," pagbibiro mo.
"Seryoso na nga," mahina kong tugon. Tapos tiningnan kita ulit, "Ano ba ang ideal woman para sa 'yo?"
Hindi ka kaaagad sumagot noon. Nakatingin ka lang sa bintana. Matagal. Tapos bigla kang nagsalita, "Gusto ko yung may sense."
"Sense?"
"Oo, sense."
"At wala ka pang nakikitang babae na may sense?"
"Meron na."
"O, yun naman pala eh. Bakit ayaw mo pa?"
"Sinabi ko bang ayaw ko?"
"E bakit nga?"
Bumaling ka sa akin ng tingin at hinding-hindi ko malilimutan ang iyong naging tugon, "Dahil ako ang hindi niya makita. Pwede pala yun. Kahit nasa harapan ka na niya..."
***
Hindi ko alam kung anong meron sa bus na iyon. Yung nasakyan natin papuntang Mendiola. Naaalala mo? Madalas naman tayong nagkakasabay pauwi pero sa ilang taon nating pagkakaibigan, noon lang tayo nag-usap ng seryoso. Yung totoong seryoso. Noon mo lang sinagot ng seryoso ang mga tanong ko. At noon lang din yata ako sumagot ng seryoso sa mga tanong mo.
"Alam ba niya?" tanong mo sa akin.
"Hindi ko alam. Siguro."
"Siguro. Paano kung hindi?"
"Ewan. Hindi ba may mga bagay na hindi na dapat sinasabi? Yung dapat understood na?"
"Katulad ng love?"
"Oo, katulad ng love."
"Mahirap mag-assume. Hindi naman lahat ng tao matalino pagdating dyan. Mas maganda kung malinaw. Minsan kasi, parang figure of speech ang love na hindi dapat tine-take literally."
Pinagmasdan lang kita.
"I'm not saying na marami na akong alam tungkol sa pag-ibig, dahil sa totoo lang, wala. Baguhan din ako," dagdag mo pa. "Pero kung talagang gusto mo ang isang tao, hindi mo dapat sinisikreto."
"Paano kung di ka nya gusto?" tanong ko sa 'yo.
"Paano kung gusto ka nya?"
***
Hindi ko alam kung naaalala mo pa yung huling beses tayong nagkita. Graduation natin noon, at kinabukasa'y pupunta ka na ng Amerika upang doon magpatuloy ng pag-aabugasya. Sabi mo noon babalik ka, na hintayin kita. Hinawakan mo pa nga ang mga kamay ko. Niyakap kita ng mahigpit. Gusto sana kita pigilan pero naisip ko, paano? Paano kita pipigilang kamtin ang mga pangarap mo? Paano ko sasabihin sa 'yo na dito ka na lang, na wag ka ng umalis? Paano ko aaminin sa 'yo na mahal kita gayong alam kong magiging dahilan lamang iyon para gumulo ang mga plano mo sa buhay?
Tama sila. Hindi pala talaga ganoon kadaling ipusta ang pagkakaibigan para lang sa tsansang maging tayo. Lalo na kung kasama ring nakataya pati ang mga pangarap mo.
***
Hindi ko alam kung naaalala mo pa yung huling beses tayong nagkita. Nangako akong babalik ako. At umasa ako na maghihintay ka. Alam kong wala naman akong karapatang magtanong. Pero bakit nga ba? Bakit bigla kang nawala?
Matagal kitang hinanap at hindi ko inaasahang dito tayo magtatagpo. Labing-anim na taon na rin ang nakalipas. Tama sila. Tunay ngang mapaglaro ang tadhana. Patuloy ka pa rin sa pakikibaka para sa iyong mga paniniwala. Ako nama’y nakikibaka rin. Nakikibaka kaanib ng gobyerno.. kasama ng mga taong marahil ay kinasusuklaman mo.
Hindi ko alam kung naaalala mo pa yung una't huli nating byahe patungong Mendiola. Magkaiba man tayo ng direksyong tinahak, magkaiba man tayo ng paniniwala, anu’t anu pa man, patuloy pa rin akong aasa. Ang hiling ko lamang, kapag dumating na ang tamang panahon, sana’y handa ka pa ring pumusta.
-WAKAS-
In memory of Uncle Noel who has loved, hoped, and incessantly waited;
To Auntie Cely who has fought, disappeared, and never been found;
To all the victims of Martial Law and their loved ones who remain
in search forty years after.
Entry para sa kategoryang Maikling Kwento sa Saranggola Blog Awards 4.